'Hanggang silip na lang’: Puntod ng ina ng PWD, naharangan ng pader
PASAY CITY — Nagsimula nang pumunta ang ilang pamilya sa Pasay City Public Cemetery para dalawin ang mga yumaong mahal sa buhay ngayong Huwebes, Oktubre 31. Isa sa kanila ang 30-anyos na PWD si Katrina Aquino na piniling ngayong araw pumunta para hindi na sumabay sa dagsa ng mga tao sa Nobyembre 1 at 2. Pero hindi niya inasahan na hindi na niya mapagtitirikan ng kandila ang puntod ng ina. Naharangan na kasi ng bagong pader at nitso ang dinadaanan nila papunta sa puntod. Kaya ang kanyang ama na lang na si Jun Aquino ang nagtirik ng kandila para sa kanya. “Malungkot po kasi kahit ganito naman po ako, nakakadaan po ako diyan before, nakakapunta po ako mismo sa puntod ng nanay ko. Unlike po ngayon na ganito na. Hindi ko alam kung paano ako. Hanggang silip na lang po yung magagawa ko,” ani Aquino. “Mauunawaan naman po ako siguro nung mother ko na kung hindi man ako makatuntong dun sa puntod niya, mahalaga po is nadalaw ko po siya at nandito pa rin po ako sa kabila ng sitwasyon ko,” dagdag ni Aquino. Pagtitiyak ng pamunuan ng sementeryo, handa silang tumulong sa lahat ng mga mangangailangan ng tulong sa pagpunta at paghahanap sa puntod ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay. “Sa mga mangangailangan po ng assistance, pwede po silang umakyat dito po sa aming tanggapan upang ma-assist po namin sila. Sila po ay sasamahan ng aming staff upang puntahan ang kanilang puwesto,” paliwanag ni Marivic Nillo, Officer-in-charge ng Pasay City Public Cemetery. Nasa 2,500 ang naitala ng pamunuan ng sementeryo na dumalaw ngayong araw. Inaasahang aabot ito ng 13,000 kung hindi magiging masungit ang panahon bukas, Nobyembre 1. Nagbabantay sa sementeryo ang ilang tauhan ng Baclaran Sub-Station Police at Pasay LGU. May police assistance desk at first aid station din na nakatalaga sa entrance ng sementeryo. “Sa ngayon po, tahimik po ang ating kapaligiran, wala pong untoward incidents po na nangyayari, lahat po sila aktibo sa pagpapatupad ng katahimikan dito sa ating lugar,” dagdag ni Nillo. May sound system naman na inilagay sa bungad ng sementeryo para aniya sa mga anunsyo. Bukas ang Pasay City Public Cemetery ngayong araw, Oktubre 31 mula 6 a.m. - 12 midnight hanggang Nobyembre 2. Ibabalik naman sa Nobyembre 3 ang normal na schedule mula 7 a.m. - 5 p.m.