2-anyos na bata nabangga ng humaharurot na motorsiklo sa Maynila
Sugatan ang 2-anyos na batang babae matapos mabangga ng humaharurot na motorsiklo sa Anacleto Street sa Barangay 332 Zone 33 Sta. Cruz, Maynila, 4:48 ng hapon nitong Linggo, January 5, 2025. Ayon kay Roderica Chua, kapitan ng Bgy. 332, bago ang insidente, kinausap niya ang suspek at may-ari ng isa pang motorsiklo na nabangga niya nang araw ding iyon. "Nandito sila sa loob ng barangay tapos niyaya ko sila sa labas para makita kung anong problema, gaano kalaki 'yung damage. Tapos niyaya ko sila rito sa loob para i-blotter na sana 'yung pagbangga nila. Bale nauna kong pumasok sumunod 'yung isang driver ng motor. 'Yun na bigla na siyang umatras tas dire-diretso, ang bilis pang patakbo kaya nabangga tuloy 'yung bata," sabi ni Kapitan Chua. Pahayag ng tiyuhin ng biktima na kagawad sa barangay, kumuha lang ng tiyempo ang suspek para makatakas sa unang kinasangkutang reklamo. "'Yung pag-start niya ng motor, dire-diretso na siya dun sa kalye namin tapos nahagip niya 'yung pamangkin ko," sabi ni Kagawad ni John Asistio. Ipinangangamba ng ina ng biktima ang posibleng epekto ng insidente sa dalawang taong gulang na anak. "Nung tumilapon po 'yung anak ko hinabol po ng kapamilya ko 'yung rider, hindi na rin po nila nahabol kasi nagdire-diretso ng takbo. Nung nabangga niya po, nilingon pa po niya 'yung anak ko pero hindi niya inano na huminto, dumire-diretso lang po siya ng takbo," sabi ng ina ng biktima. "'Yung dito kasi nagkapasa agad sa likod ng tenga, tapos dito may bukol. Hindi lang namin alam kung bukas kung magkakapasa 'yung parts ng katawan niya kasi nga tumalbog siya doon sa pagkabangga sa kanya. 'Yung effect po noon sa anak ko kagaya po nung pina-ct scan namin siya, ay 'yung x-ray matagal pa 'yung resulta. Sa loob ng ilang araw marami pang pwedeng mangyari. Hindi rin namin alam 'yung aftershock na nangyari sa kanya, hanggang paglaki pa niya madadala," dagdag niya. Linggo ng gabi, dinala ng kanyang ina ang suspek sa barangay para sumuko. Nakikipag-areglo ang 22-anyos na suspek sa pamilya ng biktima. Pero buo na ang kanilang loob na magsampa ng kaso laban sa suspek. "Samin bilang pamilya para maturuan siya ng leksyon, tuloy ang kaso," sabi ng tiyuhin ng bata na si Kagawad Asistio. "Para makakuha rin kami ng justice, syempre 2 years old lang 'yung nasagasaan," ayon sa ina ng bata. Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang suspek. Nasa kustodiya na siya ng Manila Traffic and Parking Bureau habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. Posibleng maharap sa kasong Reckless imprudence resulting in physical injury ang suspek.