Vlogger sa Cebu na gumapang sa highway na naka-costume, pinapahanap ng pulis
Hinahanap na ng Highway Patrol Group Central Visayas ang lalaking vlogger na nag-mala kuhol sa gitna ng highway sa Consolacion, Cebu. Sa video na kaniyang in-upload, naka-costume ang vlogger bilang berdeng kuhol at gumagapang siya sa harap ng mga sasakyan. “Snail man,” ayon sa uploader. Hindi naman umabot ng isang minuto ang kaniyang content at kaagad siyang tumakbo palayo nang umarangkada na ang mga sasakyan. Ayon kay Police LtCol. Wilbert Parilla, hepe ng HPG 7, hindi ito tama dahil nagdadala ang vlogger ng “public disturbance”. Delikado din aniya ang kaniyang ginawa. Nagpaliwanag din siya sa kaniyang page na gumamit lang siya ng effects sa busina sa kaniyang video. “Naghanap din ako ng timing na traffic kung saan patungong ‘go’ ang stoplight. Pasensya, effects lang,” ani ng vlogger sa salitang Cebuano. Maari namang maharap sa mga kasong kriminal ang vlogger sa video, ayon sa PNP.